Sulat Kay Papa



Ilang beses na kitang pinaiyak pero pagkatapos ng balde-balde pagluha, kakausapin mo ako na parang walang nangyari. Marahil kung sa ibang lalake nangyari yun nang unang beses, di na mauulit pa yun. Di ko na din sya makikita.Pero ikaw ang nag-iisang lalake sa buhay ko na kahit ilang beses ko paiyakin, tatanggapin pa din ako nang buong-buo. Wala nang ibang lalake dito sa mundo ang gagawa ng ganun para sakin kundi ikaw.

Ilang beses na kitang binigo, kahit na ayaw muna kitang makita, tatawagin mo pa din ako at magsasabay-sabay tayong kumain sa hapag-kainan. Ilang beses na kita sinuway pero paulit-ulit mo akong pinapatawad at binibigyan ng pagkakataon para patunayan sa sarili ko at sayo na may saysay ang buhay ko.

At kahit ilang beses ko man tangkaing suklian ang kabutihan mo sakin at saking mga kapatid, hinding-hindi nito mapapantayan ang sakripisyo nyong dalawa ni mama para mapalaki nyo kaming mabubuting tao, may paggalang at may takot sa Diyos. Hindi ka malambing pero ramdam ko naman ang pag-aaruga mo. Naalala ko pa nung bata ako pag may sakit ako, ikaw ang napupuyat at hindi si Mama.

Tinatakasan ko ang mga pagkakataong nais mo akong makausap ng masinsinan. Yun bang pupunta ka sa kwarto namin habang nagbabasa kami ng kanya-kanyang mga libro, nagdutdut sa laptop, naglalaro o kaya naghaharutan lang. Pasimple kang papasok sa kwarto namin. Kunwari pagagalitan mo lang kami kasi ang ingay namin tapos uupo ka na din at kukumustahin kami isa-isa. Tapos magkukwento ka na. Tatanungin kami tungkol sa pag-aaral o trabaho namin. Ilalahad ang mga plano mo tungkol samin. Alam naman naming hindi mo yung ipipilit  kasi alam mo naman na meron na kaming mga sariling mga diskarte.

Kapag may pag-aalinlangan ako sa mga gusto kong gawin sa buhay ko, ikaw ang unang taong pagsasabihan ko. Kailanman ay hindi ka nag-atubili na bigyan ako ng oras, ng payo at panalangin. Sa bawat desisyon ko, andyan ka para suportahan ako. Sa tuwina’y laging kaakibat sa pagtuturo mo sakin ang pagkakaron ng tapat na pananalig sa Maykapal sa oras man ng kabiguan o tagumpay.

Ngayong nasa edad na ko na naghahangad na din magkaron ng sarili kong pamilya, laging nasa isip ko na nawa'y makatagpo ako ng ay isang tulad mo—masipag, mapagmahal, may takot sa Diyos. Gusto kong magkaron ng katuwang sa buhay na tulad mo.

Ngayong matanda ka na, nais kong ay maramdaman mo ang ginhawang tila mailap satin nung mga bata pa kami. Ang walang kapantay mong kasipagan ang naging susi para makapagtapos kami. Kapansin-pansin ang ngiti sa iyong mga labi tuwing magkukwento ka tungkol sa mga panahon halos hindi ka na makatulog, makapagtrabaho lamang para mabuo ang pera para sa matrikula. Kakaibang pagpupunyagi ang nasa puso mo habang binabalikan mo ang nakaraang iyon. Ramdam ko rin ang pagmamalaki mo kapag nakukwento mo kaming mga anak mo sa ibang tao.

Ngayong matanda ka na, gusto kong gawin mo na mga bagay na sabi mo noon ay hindi mo magawa nang lubusan- mamundok, tumugtog, gumawa ng kanta, at manood nang manood ng tv. Balita ko nga, magaling ka na din mag-Youtube.

Lagi kong ipinagdarasal na bigyan ka pa ng mahabang buhay, kayong dalawa ni Mama. Para magkaron ng pagkakataon ang mga magiging anak ko na makilala kayo at maramdaman din ang pagmamahal nyo.

Sa bawat desisyon ko at mga balakin sa buhay, lagi kayong kasama.  Ang bawat tagumpay ko, sainyo ko alay. Ang bawat pagsubok ay aking susuungin na kayo ang inspirasyon. Kayo ang nagturo saking maging matatag at manatiling may pananalig sa Maykapal sa kabila ng maraming unos na dumarating sa buhay.

Salamat, Pa. Ikaw ang numero unong lalake sa buhay ko.

Mahal na mahal kita.


Ang sanaysay na ito ay aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2013.


Comments

  1. Basta tungkol sa ama o ina, ako'y luhaang nagbabasa. Masuwerte ka at mayroon kang isang amang mapagmahal at may oras para mangamusta at mag-kuwento. Naaalala kong naging kaibigan ko ang isang blogero dahil sa kanyang 'daddy post' at ngayon naman itong sa iyo. Mabuhay ang mga amang katulad ninyo. Nawa'y makatagpo ka ng isang taong magiging kaakbay mo hanggang sa iyong pagtanda tulad ng iyong ama. Congratulations and good luck to your entry.

    ReplyDelete
    Replies
    1. di ko na nga lang sana to isasali kasi di ko naman to naayos talaga, free-flowing lang ang pagkakagawa. At dahil nag-extend ang SBA ng deadline, ayun, I opted to send my entry.. At mas lalo kong na-push magsulat to pour my heart out when papa got rushed to the hospital last week. by God's grace, he is ok naman na. sobra sa stress at highblood din sya. ang hilig kasi kumain ng tapsi! hehe

      Delete
    2. Mabuti naman at oks na papa mo. Ingat na lang dahil sa panahon ngayon, mahirap ang may sakit.

      Delete
  2. Awww.. ang sweet mo naman Kat. Hulaan ko, Papa's girl ka anoh? :))

    Sana ganyan din ka-sweet ang tatay ko sa amin... di naman kami galit-galit, ung di lng talaga kami closed... ganun... ung tipong wala pang heart to heart talk na ganaps lolz

    Anyways, goodluck sa entry mong liham Cher Kat!!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. certified, papa's girl ;)
      naku, kelangan din sabay-sabay kami kumain.. kasi pag di nakasabay, mauubusan ng ulam :D :D hahaha
      until now, he would send random text asking kung nasan ako, or kung sinoman saming magkakapatid..

      Delete
  3. Hu hu hu pinaiyak mo ako girl...

    Sabi mo kay Jonathan "free flowing lang ang pagkakagawa". Para sakin yung ang mga the best na pagkaksulat. Mula sa puso, dumaan sa isip at nagkabuhay sa tinta (or sa keyboard at monitor).

    Good luck sa entry mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. ahihihi... kahit hindi manalo, bibilangin ko na lang yung mga napaiyak sa pagbabasa nito..hahaha... si papa kaya, maiyak pagbasa nito? feeling ko hindi... poker face lang...hahaha...

      Delete
  4. Napaka touching naman. Your parents really are inspiring. Nice written yccos. Good luck!
    Anyway, that is why you are such a kindhearted, intelligent and sweet woman. May pagmamanahan:)

    ReplyDelete
  5. naalala ko ang ate ko sayo.

    ayokong aminin pero nang dahil sa sanaysay mo, namiss ko ang pamilya ko sa bulacan. it's been a hekabol decade na rin. miss ko na sila.


    Good luck sa entry mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. ayiiee... inamin mo na eh... uuwi na yan.. uuwi na yan.. hahaha.. ako nga na dito lang sa qc naka-based eh hindo makauwi :( miss ko na din sila...

      Delete
  6. nakakalungkot pero nakakatuwa dahil may mga tao na nabubuhay at nagsusumikap para sa pamilya. sabagay, aanhin mo naman ang tagumpay kung wala ang pamilya sa tabi mo.

    good luck sa entry!.

    ReplyDelete

Post a Comment

Feel free to comment :)

Popular posts from this blog

The Man Behind the Metaphors

Katkat's A-Z!

11 Things I Will Miss